Martes, Oktubre 27, 2015

ANG SAMPUNG PINAKA

Ang Sampung Pinakamatagumpay na Pagsasakontemporanyo ng ABS-CBN ng mga Lumang Teleserye
 Mula sa http://vignette2.wikia.nocookie.net/abscbn/images/5/54/ABS-CBN_logo.svg.png/revision/latest?cb=20130224005135


Hindi maitatangging uso sa industriya ng showbiz sa Pilipinas ang muling pagsasabuhay ng mga lumang soap opera. Ang ABS-CBN na isa sa mga nangungunang TV Networks sa ating bansa ay naging matagumpay sa paggawa ng mga ganitong palabas.

Matagal-tagal naming pinag-isipan kung alin nga ba sa napakaraming dramang muling ginawa ng ABS-CBN ang siyang pinaka.

Malaking salik sa pagiging matagumpay ng pagsasakontemporanyo ang pagkamalikhain ng mga direktor, manunulat at ang lahat ng mga kawani. Makatutulong ang pagkamalikhain sa pagbibigay ng moderno at mas patok na dating sa isang lumang drama.

Epektibo ba ang ebolusyon ng balangkas, mga tauhan at tema?

Nagampanan ba nang maigi ng mga aktres at aktor ang mga tauhang kanilang isinabuhay?

Ginawa naming batayan ang mga tanong sa pamimili ng pinakamahusay na kontemporanyong teleserye.

Matapos ang mahabang pagninilay-nilay, Heto na ang Sampung Pinaka -Pinakamatagumpay na Pagsasakontemporanyo ng ABS-CBN ng mga Lumang Teleserye !






10. Pangako Sa 'Yo

Mula sa http://res2.abs-cbnip.tv/images/categoryimages/3225/PANGAKO-SAYO-BANNER-1170X366.jpg








Hindi pa man tapos ang seryeng ito, karapat-dapat na itong mapabilang sa listahan dahil sa 'di matatawarang kahusayang ipinamamalas ng primetime show.
Hindi natin maitatangging kahit hindi pa tapos ang teleserye ay makikita na ang mahusay na pagsasakontemporanyo nito. Pareho pa rin naman ang tema ngunit may mas matibay na paglalarawan na ang mga tauhan kumpara sa dati.

Si Claudia na ginagampanan ni Angelica Panganiban(kaliwa) at si Amor(kanan) na ginagampanan naman ni Jodi Sta. Maria.
Mula sa http://cdnimages.abs-cbnnews.com/access/images/angelicajodi.jpg





Kung si Claudia noon ay sadyang isang social climber lamang talaga at walang maayos na dahilan kung bakit, ngayon  pinakita na ang kaniyang nakaraang siyang naging dahilan ng pagiging sakim at pagkakaroon niya ng masamang ugali. Sa halip rin na isa na namang hamak na katulong si Amor sa pamilya Buenavista ay naging isa siyang kusinerang nangangarap maging nars upang maging angkop na rin sa makabagong panahon ang mga karakter. Isa siyang babaeng may mga pangarap sa buhay na gustong gawin ang lahat para maabot lamang ang mga ito at para na rin sa ikabubuti ng kaniyang pamilya. Kung sa lumang bersyon ay nagtrabaho siya sa club ngayon nama’y isa na siyang OFW at dahil sa kaniyang mabuting puso at kakayahan ay yumaman siya. Nasasalamin rin sa bagong bersyon ang kalagayan ng mga OFW kung saan sila’y nahihirapang malayo sa kanilang pamilya at ang matinding pag-aalalang kanilang nararanasan lalo na kapag may mga balitang hindi maganda. Mas mabilis na rin ang takbo ng kwento kumpara sa dati. Mas mature na rin ang role ni Yna at wala na rin ang bahagi ng orihinal na blaangkas tungkol sa pagpaparamdam ng kaniyang lola. Hindi inibahan ang tema ng PSY iniayon lamang ang bagong bersyon sa siyang tatangkilikin ng makabagong henerasyon.

Ang tinaguriang Teen Queen na si Kathryn Bernardo ang gumaganap bilang Yna at si Daniel Padilla naman bilang si Joaquin.








9.   Agua Bendita
 Pinagbidahan ni Andi Eigenman ang 2010 na bersyon  ng Agua Bendita.
Mula sa http://i50.tinypic.com/eu0zgh.jpg




Halaw sa komiks noong 1980 ang Agua Bendita at ginawan na ito noong 2006 ng teleserye. Ang bersyon noong 2010 ang masasabing nagpakita ng masigasig na pagsasakontemporanyo.

Sinundan pa rin nito ang naunang balangkas kung saan ipinanganak na nag-anyong tubig si Bendita dahil sa pag-inom ng kanilang ina ng agua bendita. Ang kambal niya namang si Agua ay normal.

Isa sa mga hilig idagdag sa mga kontemporaryong bersyon ng mga lumang pelikula, komiks, o serye ay ang love triangle. Dinagdag ito sa 2010 na bersyon ng Agua Bendita. Tunay na patok ang ganitong klaseng kwento sa mga Pilipinong manonood.









8. I Love Betty La Fea
Mula sa http://s305.photobucket.com/user/besheret/media/Betty-banner.jpg.html




Hango sa isang serye mula sa Colombia noong 1999 ang I Love Betty La Fea na pinagbidahan ni Bea Alonzo. Ipinalabas ito sa ABS-CBN noong 2008.

Ang pagaangkop ng kwento ni Betty sa buhay dito sa Pilipinas ang masasabing pinakakontemporanyong pagbabago nito. Dinagdagan na lamang ito ng mga iba’t ibang  paniniwala at motibasyon sa serye. Ito ang dahilan kung bakit tinutukan ito gabi-gabi ng mga Pilipinong manonood.





7. Walang Hanggan

Mula sa https://dimensionmagazineph.files.wordpress.com/2012/03/111.png


Ang Walang Hanggan ay hango sa pelikula nina Dawn Zulueta at Richard Gomez noong 1991 na Hihintayin Kita sa Langit. Napag-alamang ang pelikula pala nila ay base sa nobela ni Charlotte Bronte na Wuthering Heights.
Bilang teleserye ay pinahaba ang kwento ng Walang Hanggan at maraming dinagdag sa orihinal na kwento ng pelikula tulad ng mas malupit na kaganapan sa pagitan ng pangunahing love triangle na ginampanan nina Julia Montes, Coco Martin, at Paolo Avelino.





6. Maria Flordeluna


Base sa isang serye sa radyo na isinulat ni Marcos Navarro Sacol noong dekada ‘70 ang unang bersyon nito sa telebisyon na lumabas naman noong dekada ’80 na pinagbidahan ni Janice de Belen. Flordeluna pa lamang noon ang pamagat ng serye. Sa makabagong bersyon na pinalabas noong 2007 ginawa ng Maria Flordeluna ang pamagat at pinagbidahan ito ni Eliza Pineda.

Kung sa lumang bersyon ay buhay ang bida hanggang sa wakas sa bagong bersyon naman nito ay namatay na si Flor. Ang pagkamatay ni flor ang naging susi sa tuluyang pagbabago ng mga masasamang tauhan o kontrabida.

Bago na rin ang rason ng pagkamatay ng kaniyang ina. Sa halip na dahil ito sa isang malubhang sakit ay nangyari na ito ngayon matapos barilin ng mga kalaban ng kaniyang asawa.


Iba na ang dating ng bagong bersyon. Binigyan niya ng ibang kulay ang tipikal na inaaping karakter ng bida. Naging mas makabago ito na siyang nakasasalamin sa takbo ng pag-iisip ng bagong henerasyon. Oo nga’t naaapi pa rin sila ng kaniyang nakababatang kapatid ngunit kung sa tingin niya’y sobra na hindi siya matatakot ipaglaban ang kanilang karapatan.
Pagmamahal at pagpapahalaga pa rin sa pamilya ang tema ng teleserye na siyang ipinamalas ng bida.
Mula sa http://i.ytimg.com/vi/ZiFPQ3_kMEQ/hqdefault.jpg











5. Annaliza






Kinikilalang “most popular and well-loved drama series of all time” ang Anna liza na unang pinalabas noong 1980 sa GMA. Pinagbidahan ito ni Julie Vega. Naisabuhay niya ang inosente at dalisay na karakter ni Anna liza na naging dahilan ng pagtangkilik ng mga manonood ng teleserye.

Noong 2013, muli namang isinabuhay ng ABS-CBN si Annaliza sa katauhan ni Andrea Brillantes na ngayo’y isa na sa mga pinakapopular na batang aktres sa bansa.

Ayon sa direktor ng unang Annaliza na si Direk Gil Soriano ang orihinal sanang wakas nito ay ang pagmamadre ni Annaliza bunga ng pagiging martir niya(anyo ng pagmamartir ang pagtitiis niya sa kaniyang paghihirap) at pagiging masiyadong dalisay para sa mundo. Dito sa bagong bersyon nagwakas ito sa kasal nina Isabel at Guido kung saan masaya na ang lahat at mamumuhay na silang lahat ng masaya't tahimik.

Naaangkop na rin ang tema ng makabago sa kasalukuyang panahon dahil kung noon mangilan-ngilan lamang ang insidente ng pagnanakaw ng bata ngayon ay isyung panlipunan na ito. Pinaghalo na ang mga isyung panlipunan sa personal na isyu ng mga tauhan sa bagong serye. Nariyan na ang personal na isyu nina Guido, Stella at Makoy sa estado ng kani-kanilang buhay, ang pang-aabuso sa mga bata at “pambubully.”

Bunga ng pagsasakontemporanyo ang modernisadong tema at mga isyung panlipunang sinasaklaw ng modernong Annaliza.







4. Bituing Walang Ningning

Mula sa Pelikula  noong 1985 ni Sharon Cuneta ang SineSerye ng ABS-CBN na pinagbidahan naman ni Sarah Geronimo noong 2006.

Sa orihinal, ang kasintahan ni Laviña na si Nico ay simpleng nahulog ang loob kay Dorina, ngunit sa sineserye ng ABS-CBN ginamit din ang atensyon niya kay Dorina bilang isang paraan nang paghihiganti kay Lavinia.


Mula sa http://en.wikipilipinas.org/images/thumb/9/92/Bituin.jpg/280px-Bituin.jpg
Gumamit ng makabagong paraan ng pagpresenta ang sineserye dahil ang pagtatapos ng serye ay isang live concert sa Araneta Coliseum.








3. Mara Clara
Mula sa https://pbs.twimg.com/profile_images/1158787107/71952_165254123502499_149450308416214_428146_1602859_n.jpg


Ang orihinal na teleserye ay umere mula 1992 hanggang 1997 at ang bagong teleserye naman ay ipinalabas noong 2010-2011.

Ang isang tatak na pagbabago sa 2010 na bersyon ng Mara Clara ay ang paggamit ng makabagong panahon at mga teknolohiya nito. Naging paraan ito ng pagbibigay ng bagong anggulo sa karakter nina Mara at Clara. Maaring mas malupit nga si Clara (Gladys Reyes) kay Mara (Judy Anne Santos- Agoncillo) noon, ngunit umangkop naman sa panahon (2010) ang bersyon nina Kathryn Bernardo at Julia Montes.






2. Patayin sa Sindak si Barbara


1978 nang unang pinalabas sa takilya ang Patayin Mo Sa Sindak si Barbara. Hango sa pelikulang ito ang Sineserye (Susan Roces Film Collection)  noong 2008 na pinagbidahan ni Kris Aquino.
Sa kontemporaryong  bersyon ng Patayin Mo Sa Sindak si Barbara, pinalitan na ang pamagat nito.  Ginawa nang Patayin sa Sindak si Barbara. Isa sa mga paraan nang pagsasakontemporaryo ng direktor nito ay ang pagdagdag ng mga bagong tauhan at pagpasok ng mga “spirit questors."

Binigyan din ng “love triangle” ang mga bagong tauhan. Dinagdagan din nila ng mga elemento ng komedya ang serye. Ginawa nila ang mga ito para sa mga nakababatang manonood.

Tagumpay ang bagong bersyon dahil mabisa ang mga elementong dinagdag sa pang-aakit ng mga manonood at lalong-lalo na sa paglilikha ng kuryusidad sa isipan ng mga tao.











1. Dyesebel



Mula sa mga komiks ni Mars Ravelo noong 1952 hanggang 1953 si Dyesebel at pagkatapos niyang maging patok ay hindi na natigil ang paglabas ng iba't iba nitong bersyon.

Kahit na marami ng bersyon ng Dyesebel ang nagkalat sa industriya ng showbiz sa Pilipinas ay masasabing hindi pa rin nagsasawa ang mga Pilipino rito.

Nagpakita ng mga pagbabago sa balangkas ang Dyesebel na pinagbidahan ni Anne Curtis. Isa na dito ang pagbibigay tanaw sa pagsisimula ng pag-iibigan ng isang tao at  sireno. Sa orihinal din na bersyon ay ang ina ni Dyesebel ang sirena at hindi ang kanyang ama. Hindi rin alam nito na siya ay isang sirena dahil nawala ang kaniyang mga alaala.

Maituturing na pinakamalaking pagsasakontemporaryo ang pagdadagdag ng kuwento ng mga ibang tauhan at ng mismong sitwasyon dahil tinatalakay nito ang mga makabagong isyung panlipunan. Hindi lamang pagbebenta ni Dyesebel sa circus ang tinalakay, kung hindi pati ang hindi tamang paraan ng pangigisda at ang pagpasok ng siyentipiko imbis na sa circus lamang idinala at pinagpiyestahan si Dyesebel.