Martes, Oktubre 27, 2015

Noli at Fili Dekada Dos Mil

"Ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ng Makabagong Panahon"

Mula sa(http://lifestyle.inquirer.net/files/2015/08/t0829nolifili.jpg)
  
Noong hayskul, naatasan tayong mga mag-aaral na magbasa ng mga nakatakdang panitikan ng ating mga guro. Mula sa maiikling kuwento hanggang sa mga mas kumplikadong mga babasahin tulad ng Ibong Adarna, Florante at Laura at ang tanyag na tanyag na Noli me Tangere at El Filibusterismo na isinulat ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.
Kami ay ilan lamang sa maraming kabataan ngayon na hindi na halos nagbabasa ng sariling panitikan, maliban na lamang kung kinakailangan sa pag-aaral.  Marahil dulot ito ng "colonial mentality" na maituturing na sakit ng kabataan ngayon, sapagkat maraming mamamayan sa ating lipunan ang mas tumatangkilik hindi lamang sa babasahin ng ibang bansa ngunit pati na rin sa kultura at mga produkto nila.
Maaring tulad ka namin na hindi hilig ang magbasa ng mga makabayang panitikan o kahit magbasa man lang ng kahit anong anyo ng panitikan. Ngunit may mga akda ng mga napakahuhusay na manunulat na hindi maipagkakaila ang ganda. Nabibilang na nga rito ang walang kupas na obra ni Dr. Jose Rizal na pinamagatang Noli Me Tangere at El Filibusterismo.
Maliban sa pagpapahalaga natin dito dahil sa ganda ng kuwento, kinikilala ang dalawang sulating ito ni Rizal sa pagmulat ng mata at isip ng sambayanang Pilipino noong panahon ng Kastila. Tumulong ito sa pag-udyok ng rebolusyon upang makalaya tayo mula sa mga malulupit na mananakop.
Marami tayong nakapagbasa ng Noli at Fili, at marahil nakapanood din ng dula o pelikula tungkol dito, ngunit wala pang nagsasakontemporaryo nito tulad ng Noli at Fili Dekada Dos Mil ni Nicanor Tiongson at Soxie Topacio. Halaw sa mga orihinal na nobela ang dula ngunit ang tema at balangkas ay ginawang angkop sa ating panahon.
Ang Noli at Fili Dekada Dos Mil ay hinati sa dalawang parte, gaya ng pinagmulang akda. Sa ganitong paraan, makararamdam ng pagkabitin ang sinumang manonood. Ang dula ay sinimulan sa pagbabalik tanaw ng mga karakter sa nangyari na sakunang kumuha ng daan-daang buhay sa Maypajo, Quezon. Ang orihinal na teksto ay gumamit ng kronolohikal na pagsasalaysay, hindi tulad ng dula na nagsimula sa patumbalik-isip.
Ipinakilala ang isa sa importanteng tauhan sa dula na si Basilio. Pagkatapos nito ay bumalik sa panahon ng kasalukuyan ang istorya. Ipinakilala ang karakter ni Ibarra, ang matapat at matulunging kasintahan ni Clarissa. Ang pagkaupo ni Ibarra sa puwesto, ang masamang intensiyon ni Salvi na may lihim na pagnanasa kay Clarissa, at ang pagkamatay ng pag-asa sa puso ni Ibarra ang naging pangunahing punto ng dula. Naging epektibo ang paglihis ng kaunti ng banghay na salin ng PETA sapagkat kinikilala pa rin nito ang nangingibabaw na impresyong nais ipahiwatig ni Rizal sa kanyang mga nobela. Naisakatuparan ito ng palabas na umagpang sa kasalukuyang lagay ng madla. 
Mula sa https://theaterfansmanila.com/wp-content/uploads/2015/09/featured-image-for-Noli-review.png

Matatagpuan pa rin sa dula ang kilala nating mga tauhan tulad nina Crisostomo Ibarra, Maria Clara, Padre Salvi, Padre Damaso, Basilio at Elias. Napanatili pa rin ang diwa at motibasyon ng bawat tauhan, ngunit dahil sa ibang tagpuan, ang kanilang posisyon sa lipunan ay nagbago. Si Salvi ay ipinakilala bilang pinuno ng pulisya, na taliwas sa nobela kung saan siya ay isang pari. May kaunti ring pagbabago sa pangalan ni Maria Clara, sa drama ay ipinakilala siya bilang si Clarissa, isang babae na matapang at may paninindigan. Si Ibarra na marahil ang tauhan na pinaka-malapit sa orihinal nitong ugali at katangian. Pinapakita ang pagbabago niya mula sa isang mamamayang gustong maglingkod ng tapat sa kapwa hanggang sa maging isang bigo at makasalanan na taong naghahangad ng hustisya sa pamamagitan nang pagtatapos ng buhay ng mga nagkasala sa kaniya. Sa kabila ng mga pagbabago ng katangian ng ilang mga tauhan, masusubaybayan pa rin natin ang paghubog sa pagkatao ng mga karakter na naayon sa nilikha ni Dr. Jose Rizal.
Mula sa (https://peta1.files.wordpress.com/2008/07/sa-ulan.jpg)
Sa  Maypajo, Quezon ang tagpuan ng Noli at Fili Dekada Dos Mil. Isang pook na nasalanta ng bagyo at nagdusa dahil sa trahedyang naidulot ng ilegal na pagtotroso. Dahil ginanap ang istorya sa kasalukuyan panahon, ang pananamit ay naiiba na. Mas maninipis at maiikli na ang suot ng mga babae, ang mga buhok ay may mga sandamakmak na ayos at ang paraan ng pagpapaganda ay ibang-iba na. Mas palasak na rin ang pananalita. Hindi na kinakailangan pa ang madalas na pag-aaral at pagtingin sa diksyunaryo upang maintindihan lang ang ibig sabihin ng magagarang salita sa pangungusap. 
Ibang iba ito sa orihinal na tagpuan sa simula ng Noli Me Tangere, ang bayan ng San Diego, noong panahon ng Kastila. Kabaligtaran ng Maypajo, ang San Diego ay inilarawan sa Noli bilang isang bayan sa may baybayin ng lawa na may mga malalapad na bukirin at palayan. Ang pananamit sa orihinal na kuwento ay naaayon sa panahon noon, mahaba manamit ang lahat, babae man o lalaki. Ang pananalita ay naiiba rin, pormal at makulay ang gamit sa orihinal na nobela. Ang wika naman na gamit sa dula ay hindi pormal at mas madaling intindihin sapagkat ito ay ginagamit natin sa pang-araw araw na buhay.
Ang orihinal na nobela ay kumuha ng inspirasyon sa kapanahunan ng mga Kastila, kung kaya’t hindi ito maihahambing sa tagpuan na ginamit sa dula. Ngunit ito ay umayon sa kasalukuyan kaya nabigyan ng pagkakataon ang mga manonood na maiugnay ito sa kanilang sari-sariling ginagalawang lipunan.
Ang argumento na nais ipahiwatig ng dula at ng nobela ay nanatiling pareho. Naipahiwatig ng mga ito ang mensahe na talamak pa rin ang “kanser sa lipunan”. Hanggang ngayon ay nararamdaman pa rin ang epekto ng kasakiman at pagmamalabis ng mga taong nakaupo sa mataas na posisyon sa buhay at lipunan. Ang kinahinatnan ni Ibarra ay nagmimistulang ehemplo ng mga Pilipino na nawalan na ng kumpiyansa sa pamamalakad ng ating bayan. Buhat nito ay walang katapusang paghihirap at pagdudusa ng nakararami.
Matagumpay ang pagsasakontemporaryo ni G. Tiongson at G. Soxie Topacio dahil naipakita nila ang mga suliranin ng lipunan na hindi nagbago mula pa sa panahon ni Rizal, ang kasakiman at katiwalian ng sistema; na sa kabila ng lahat ng paghihirap na diranas ng isang tao upang maisakatuparan ang tapat na layunin ng pagbabago upang umunlad ang lipunan, hindi ito madadaan sa dahas o magagawa nang mag-isa.
Ang Noli at Fili Dekada Dos Mil ay isang paglalarawan ng kakayahan ng Pilipino na mag-udyok ng pagbabago sa pamamagitan ng sining. Nagtagumpay ito sa pagmulat ng aming mga mata sa nangyayari sa ating bayan sa kawili-wiling pamamaraan. Hindi mapagkakaila na ang dulang ito ay isa sa pinakamahusay at makatotohanang pagsasalamin sa ating lipunan.
Masigabong palakpakan ang natanggap ng mga aktor at aktres dahil sa kanilang natatanging palabas. 
(Larawan mula sa http://farm4.static.flickr.com/3175/2786159740_ae1b8d874b.jpg)



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento